Nabanggit ni Pope Francis sa meeting with the families sa SM MOA Arena na malapit siya kay Saint Joseph.
Pero ano ibig sabihin ni Papa Kiko nung sinabi niya na pag meron siyang problema ay sinusulat niya ito sa maliit na papel at linalagay sa ilalim ng imahen ni San Jose? Ipinauubaya na raw niya kay Saint Joseph ang solusyon sa kanyang problema.
Para sa mga hindi pamilyar sa practice na ito ng mga religious: mga madre at kaparian … ito ang tinuro sa akin ng aking spiritual director, Msgr. Josefino S. Ramirez … “Pag may problema kayo, lalo na yung may kinalaman sa pag-provide o financial – kay Saint Joseph kayo lumapit. Isulat ninyo sa papel at ilagay sa ilalim ng statue niya. Siguradong answered prayer yan.”
Ganito raw ang gawain ng mga pari at madre pag kailangan nila ng pondo pambili ng mga lupa o pantayo ng simbahan, seminaryo o kumbento. Pati si Mother Teresa ng Calcutta nagpatunay sa gawaing ito pati para sa kanilang mga pangaraw-araw na gastusin sa Sisters of Charity. Minsan nga daw sa tagal na masagot ang kanilang hinihiling ay itinalikod daw niya ang statwa ni St. Joseph na nasa kanyang mesa kasi nagtatampo daw siya, at saka lang hinarap ulit nung ito ay matugunan na.
Si Monsi Pepe naman daw ay nasa Saint Joseph’s Oratory of Mount Royal sa Canada kasama ang mga “Alagad ni Maria” nang ilagay niya ang kanilang petisyon kay San Jose para sa kailangan nilang itayo na seminary ng Alagad ni Maria sa Quezon Province. Meron daw harang na tali para di makalapit sa malaking statwa ni San Jose kaya ang ginawa nila ay tinyempuhan nung walang bantay at inangat ng ibang pari ang mabigat na statwa para malagay ni Monsi Pepe ang papel sa ilalim. Ngayon, meron na rin silang seminaryo sa Antipolo dahil sa intercession ni Saint Joseph.
Kami rin ay maraming patutuo sa debosyong ito kay San Jose pero kukulangin ang mga pahinang ito. Minsan, may kliente ang misis ko na ilang taon nang hindi nakakabayad ng mahigit P200,000. Hiningi ko ang delivery receipt, billing, at demand letter at linagay lahat ito sa ilalim ng imahen namin ni St. Joseph sa bahay. Sa loob ng dalawang buwan lamang ay bayad na ang lahat ng utang.
Kaya’t kung meron kayong problema o pangangailangan, subukan nyo lumapit kay Saint Joseph. Hindi naman siguro kayo lolokohin ng Santo Papa, di ba?
Isipin nyo na lang ... nung naghahanap ang Diyos ng karapat dapat na mag-aalaga sa kanyang anak at esposa ... ang pinili niya ay si Jose. Kulang pa ba iyan na dahilan para magtiwala sa kanya?